PAMANA - Road to 150 Years of Legacy Exhibit
Idinaos noong Lunes, Setyembre 23, 2024, ang isang exhibit at konsyerto na pinangunahan ng Banda Malaya Uno bilang pagdiriwang ng kanilang ika-149 na anibersaryo at paghahanda tungo sa ika-150 taon ng kanilang legasiya.
Dinaluhan ang nasabing palatuntunan nina Mayor Allan De Leon, mga miyembro ng ika-12 Sangguniang Bayan, Ms. Anna Patricia Rodriguez-Carranza ng Philippine Society for Music Education, Mr. Gian Delgado mula sa Taytay Tourism Office at curator ng banda, mga miyembro ng Taytay Advocates of Cultural Heritage, mga kinatawan ng SM City Taytay, at mga tagasuporta ng Banda Malaya Uno.
Courtesy: Taytay, Rizal Tourism Office
Ang Banda Malaya (Banda Uno) ay nakabase sa Taytay, Rizal. Itinatag ito noong taong 1875 ni Ambrocio Manuel, na naging gobernadorcillo o alkalde ng Taytay sa panahong iyon. Una itong tinawag na Banda Taytay, pagkatapos ay Banda Makabayan, at ngayon ay Banda Malaya. Sa panahon ng rebolusyon ng 1896, nagkahiwa-hiwalay ang mga miyembro nito. Pagkatapos ng rebolusyon, ilang miyembro ang nag-organisa sa ilalim ng pamumuno ni Celedonio Medina.
Mula noon, ang banda ay pinangunahan ng iba't ibang direktor tulad nina Jose Tamayo, Eugenio de Leon, Felipe Marin, Justino Bedaña, Felix Bascon, Francisco Gregorio, Santiago Alejo, Felipe Padilla de Leon, Eliseo Pajaro, Daniel Naval, Felino de Leon, Lucio D. San Pedro, Lieutenant Colonel Eliseo Javier, Lieutenant Colonel Pedro Tolentino Jr., Leopoldo Medina, at Leopoldo Lopez.
Courtesy: Taytay Public Information Office
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na sinusuportahan ng Banda Uno ang mga kabataan ng Taytay sa pagtuturo ng musika ng banda, na itinuturing na pamana ni Daniel Naval, na kinikilala bilang Ama ng Banda Malaya.
Ang exhibit ay magtatagal hanggang Biyernes, Setyembre 27, 2024 sa bridgeway ng SM City Taytay.
Comments